1. Home
  2. Politika
  3. Imigrasyon

Pederal na pagpupulong ng mga ministro ng imigrasyon tututukan ang temporary visa cuts

Ang bilang ng temporary work visa holders tumaas mula 337,460 noong 2018 sa 605,851 noong 2022

Mukha ni Marc Miller.

Federal Immigration Minister Marc Miller

Litrato: La Presse canadienne / Spencer Colby

RCI

Ang mga pederal at probinsyal na ministro ay magpupulong sa Montreal, Quebec, ngayong Biyernes upang pag-usapan kung paano paliliitin ang bilang ng temporary residents sa Canada.

Inaasahan na makikipagkita si Immigration Minister Marc Miller sa kanyang provincial at territorial counterparts in person sa unang pagkakataon mula nang ianunsyo ang plano na lagyan ng limit ang bilang ng bagong temporary residents.

Ang layunin ay kontrolin ang paglaki ng Canada sa pamamagitan ng pagbabawas sa bilang ng temporary residents, mula 6.2% ng populasyon ng bansa noong 2023 sa limang porsyento sa susunod na tatlong taon.

Ang bagong targets ay idedebelop sa tag-init, pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang mga probinsya at teritoryo na pag-isipan ito.

Inanunsyo ni Miller ang plano na i-scale back ang bilang ng international students sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang taon na cap sa bagong admissions noong Enero.

Sinusubukan din ng gobyerno na pabilisin ang oras na ginugugol sa pagpoproseso ng asylum claims at kasamang legislative measures sa pinakahuling federal budget na dinisenyo upang gawing mas mabilis ang deportation process para sa claims na na-deny.

Ang pinal at pinakahuling kategorya na kailangan tugunan ay ang temporary work permit holders. Sinabi ni Miller na ito ay isang workforce na naging adik na ang labour market nitong mga nakalipas na taon.

Noong 2018, may 337,460 temporary work visa holders. Pagsapit ng 2022, ang bilang na iyon ay lumobo sa 605,851.

Isang pangunahing pokus para sa mga ministro ay ang pakikipagnegosasyon kung paano ia-allocate ang mas kaunting temporary visas, kung saan umaasa ang mga employer.

Nitong unang bahagi ng linggo, sumang-ayon si Miller sa request ng Manitoba na i-extend ang federal work permits para sa 6,700 newcomers na ang mga visa ay nakatakdang mag-expire sa pagtatapos ng taon, upang bigyan sila ng oras para mag-apply na permanenteng manatili sa Canada.

Ang bagong temporary visa target ay pababagalin din ang paglaki ng populasyon. Habang makakatulong iyon na paluwagin ang pressure sa presyo ng bahay at availability, maaari naman itong magresulta sa kakulangan ng mga manggagawa, ayon kay Andrew Grantham, isang executive director sa CIBC Economics, sa report na inilathala noong nakaraang buwan.

Ang labour needs ng bawat probinsya ay inaasahan na magiging mabigat na factor sa mga diskusyon ngayong Biyernes. Ang bagong targets para sa temporary visas ay ilalathala sa taglagas.

Basahin ang buong istorya rito. (bagong window)

Bahagi ng artikulo ni Laura Osman (bagong window), The Canadian Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita